Suspek sa hostage taking kahapon sa Maynila, nasa kustodiya na ng MPD

By Mariel Cruz, Ricky Brozas July 24, 2016 - 01:34 PM

police-line-0815Arestado ang isang lalaki matapos i-hostage ang isang labing isang buwang gulang na sanggol sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa salaysay ni Annalyn Encinares, alas-3:30 kahapon nang mapansin ng kanyang ina ang suspek na si Jamel Balacuit na nakatayo sa labas ng kanilang pintuan.

Ilang sandali pa ay pumasok na aniya ang 20-anyos na suspek sa loob ng kanilang bahay at sapilitang inagaw ang sanggol ni Encinares.

Gamit ang isang flower vase ay ginawang hostage ni Balacuit ang sanggol sa ikalawang palapag ng bahay.

Halos tatlong oras bago nasagip ng mga tauhan ng Police Special Weapons and Tactics ang sanggol.

Ayon kay Inspector Rolando Almendres ng SWAT, wala sa sariling katinuan ang suspek nang gawin ang pangho-hostage dahil sa nabigo ito na makauwi ng kanilang probinsiya.

Samantala, hawak na ngayon ng Manila Police District si Balacuit.

Nakadetine na ito sa MPD Station 3 matapos maaresto bandang 6:40 kagabi.

Nailigtas naman ng mga miyembro ng MPD-SWAT team ang hinostage ng suspek.

Bagaman walang tinamong sugat si Balacuit sa operasyon na isinagawa ng pulisya, dinala pa rin siya sa Jose Reyes Memorial Medical Center para sa assessment.

Dahil sa insidente, mahaharap si Balacuit sa mga kasong alarm and scandal, serious illegal detention at paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.