Dating mayor at asawang sundalo huli sa shabu sa CDO

high-grade-shabu
Inquirer file photo

Dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si dating Maguing Lanao Del Sur Mayor Johaira Abinal at ang kanyang asawang si Philippine Army Major Suharto Macabuat sa kanilang bahay sa Cagayan De Oro City.

Sa ulat na ipinarating ng PDEA sa kanilang Headquarters sa Quezon City, kanilang sinalakay ang bahay ng dating local official sa Brgy. Kauswagan makaraan silang makakuha ng search warrant kaugnay sa umano’y illegal drugs.

Nang siyasatin ng mga operatiba ang bahay ng mag-asawa ay nakita nila ang ilang sachets ng pinaniniwalaang shabu.

Bukod sa droga nakakumpiska rin ang mga otoridad ng isang baril na walang lisensya.

Sinasabing matagal ng isinailalim sa surveillance ang mag-asawa dahil sa pagkakasangkot nila sa illegal drug trade.

Si Macabuat ay nasa aktibong duty pa sa Philippine Army at kasalukuyang naka-assign sa Headquarters Support Group sa Fort Bonifacio.

Sa kasalukuyan ay inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek.

Read more...