Sa isang bansa kung saan itinutring na minorya ang mga Muslim, nakatutuwang isipin na ang natatanging dalawang mahalagang pagdiriwang sa Islam, ay itinuturing din na mahalaga ng bansa.
Idineklarang holiday ang araw na ito ngayon, ang Eid’l Fitr. Bagaman ito ay wikang Arabo, hindi na ito bago sa pandinig ng karamihan dahil taon-taon itong ibinabalita. Ano nga ba ang kahalagahan ng Eid’l Fitr?
Ang Eid’l Fitr ay ang pagdiriwang ng pagtatapos ng pag-aayuno na ginanap sa buwan ng Ramadan. Sa buwan na ito, hindi maaaring kumain at uminom ang mga Muslim mula bukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw. Ito ang aming paraan ng pagsasakripisyo para sa Diyos, o kay Allah. Gutom man ang aming tiyan, patuloy naman naming pinalalakas ang aming mga puso’t isipan sa pamamagitan ng pag-aaalala kay Allah. Nais namin na sana ay mapatawad Niya ang aming mga kasalanan.
Ito ay selebrasyon na nararamdaman ng tunay na nag-aayuno ang kalungkutan. Nagpaalam na ang isang beses sa isang taon na ibinigay ng Allah para mas paigtingin pa ang ating paniniwala. Gayunpaman, ito rin ay pinakaaabangan naming mga Muslim.
Ang aming mga puso’y nagagalak dahil ginawa namin ang aming makakaya sa pag-aayuno para samantalahin ang pambihirang biyaya ni Allah sa panahong ito. Halimbawa ay ang pag-aalay ng karagdagang dasal sa gabi at madaling araw, liban pa ang limang obligatory prayers ng Muslim.
Kung tutuusin, maihahambing ang pag-aayuno sa Mahal na Araw ng mga Katoliko, at ang Eid’l Fitr sa Pasko. Sa Eid’l Fitr, nadarama ko ang hindi maipaliwanag na kasiyahan. Ito ay pagkakataon din para muling makipagkita sa mga kamag-anak at mga kaibigan.
Kasama ang pamilya at mga kapatid sa Islam, sa Rizal Park ko ginunita ang Eid’l Fitr. Lahat ng klase ng tao marahil ay naroon. Mayaman man o mahirap, magkaibigan man o magkaaway, nagkaisa para sabay na humarap kay Allah, at makinig sa pangaral sa Islam.
Matapos iyon, gaya ng iba, kami ay naglatag ng mauupan at naghain ng pagkain. Nakagagalak na makita na magbahagi ng biyaya ang mga tao sa mga nangangailangan. Makulimlim man, maaliwalas ang paligid dahil saan man ako mapalingon, ang bawat isa ay nakangiti. May mga batang nagtatakbuhan, naglalaro. Mayroong ding mga agaw-eksenang lobong disenyong cartoon characters. Mapabata man o matanda, nagpapalipad ng saranggola.
Isa lamang ito sa maraming imahe ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngunit saan ka man mapadpad, iisa lamang ang nasa puso ng bawat Muslim. Sa pamamaalam ng Ramadan, sana ay maabutan natin ang pagbabalik nito sa susunod na taon. Sana ay ipagpatuloy natin ang mga aral ng pagtitiis, pagpaparaya, pagpapatawad at pagmamahal na ibinahagi at iniwan ng Ramadan./Rohanisa Abbas, FEU, 19, 4th year BA Communication
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.