Pinaiimbestigahan na ng pamunuan ng Pasay City General Hospital ang reklamo ng isang 16-anyos na nagsabing siya ay nakaranas ng verbal at physical abuse mula sa mga duktor at nurse ng pagamutan nang siya ay manganak sa pagamutan noong Lunes.
Ayon kay PCGH Director Dr. Marilou Ocampo, kahapon lamang niya nalaman ang reklamo ng nasabing menor de edad na itinago sa alyas na “Dyesebel”.
Ipinatawag na rin ni Ocampo ang mga hindi pinangalanang duktor at nurse na naka-duty noong Lunes ng gabi ng manganak si “Dyesebel”.
Sinabi ni Ocampo na paghaharap-harapin niya ang mga naka-duty ng gabing iyon at ang pasyenteng nagrereklamo para matukoy at maituro nito kung sino ang mga nagmaltrato sa kaniya habang siya ay nanganganak.
Kung mapapatunayan naman ang pagkakasala, ay maaring matanggal sa trabaho ang inirereklamong duktor or staff.
Sa Linggo inaasahan ni Ocampo na matatapos ang kanilang imbestigasyon at nangakong ilalabas nila ang magiging resulta nito at rekomendasyon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni “Dyesebel” na dahil sa kaniyang paghiyaw bunsod ng matinding sakit na nararanasan habang nagla-labor ay inabutan siya ng sanitary napkin ng isang medical staff at sinabing itapal niya ito sa kaniyang bibig.
“Lahat ng Duktor nagagalit na po sa akin, kung ano-ano pinagsasabi nila. Tapos inabutan po ako ng “sanitex” itapal ko daw sa bunganga ko, sabi nila ilalabas ako ng delivery room kapag hindi ako tumigil sa pag-iingay,” ayon kay Dyesebel
Inamin naman ni Dyesebel na talagang nagsisisigaw siya dahil sa sobrang sakit na nararamdaman.
Kuwento pa ng pasyente, matapos siyang makapanganak, ay may isa pang staff ng ospital ang binato siya ng kumot habang siya ay nasa recovery room./Ruel Perez