Kailangan nang itigil ang digmaan.
Ito ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasa 300 mga sundalo, pulis, lokal na opisyal at mga residenteng lumikas sa kanilang mga tahanan sa Isabela City, Basilan sa kaniyang kauna-unahang pag-bisita doon bilang pangulo ng bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, walang magandang naidudulot ang bakbakan para sa mga tao at alang-alang sa mga kabataan, kailangan na itong itigil.
Kasabay nito, ipinangako ni Duterte na hahanap siya ng mga paraan para tuluyan nang maresolbahan ang problemang ito.
Kilala ang probinsya ng Basilan sa pagiging kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf, na dahilan rin kung bakit napakahigpit ng seguridad para sa pangulo sa kaniyang pag-bisita.
Bukod sa giyera, dapat na rin aniyang tigilan ng mga tao ang pagpapa-alab ng galit sa kanilang mga puso na pinaniniwalaan niyang pinagmumulan ng hindi pagkakaintindihan.
Nakiusap pa si Duterte na sana magkaroon na ng kapayapaan lalo na sa mga Abu Sayyaf na tao na ang napatay at ginawan ng krimen.
Paliwanag niya, kaya lang sumusugod doon ang mga sundalo ay bilang reaksyon sa pag-dukot ng bandidong grupo sa mga tao.
Sa halip aniya na idaan sa bakbakan, inaya niya ang mga ito sa maayos na pag-uusap.