Mga pang-mayamang village sa Makati, hindi mapasok ng ‘Oplan Tokhang’

 

Mula sa Google Maps

Walang sangkot sa paggamit o pagbebenta ng iligal na droga sa mga kilalang subdivision sa lungsod ng Makati.

Ito ang lumilitaw sa mga inisyung ‘certification’ ng mga opisyal ng ilang kilalang pang-mayamang village sa lungsod.

Ayon sa report na tinanggap ni Makati Mayor Abby Binay, hindi nagsumite ng listahan ng mga drug suspects ang mga opisyal ng Forbes Park, Dasmariñas, Bel-Air, San Lorenzo at Urdaneta village na una nang hinihingi ng lokal na otoridad batay sa ipinatutupad ng ‘Oplan Tokhang ng PNP.

Bukod dito nagpalabas din ng certification ang mga high-class village na nagsasaad na walang drug personalities sa kanilang mga village.

Bagamat nagawang makapag-ikot ng PNP sa Magallanes village, wala namang nakuhang drug suspects sa lugar.

Dahil dito nanawagan si Mayor Binay sa mga residente na suportahan ang kampanya kontra iligal na droga.

Ayon naman sa isang empleyado ng barangay na ayaw magpabanggit ng pangalan, sadyang matindi ang seguridad sa naturang mga village at kinakilangang humingi pa ng permiso sa bawat isang homeowner bago payagan ang mga pulis na makapasok.

Ito ay taliwas naman sa mga nangyayari sa labas ng mga mayayamang village kung saan nagagawa ng mga pulis na pasukin ang bahay ng mga hinihinalang drug suspects at arestuhin ang mga ito.

Ang ilan, sinasabing nanlalaban pa sa mga pulis kaya’t napapatay.

Sa Makati City, sa kabuuang 26 na barangay, nasa 625 drug users at 185 pusher ang boluntaryong sumuko sa mga otoridad.

Read more...