Taiwan nais makisali sa usapan ng China at Pilipinas
“Unacceptable, unfair and double standards.”
Ganito inilarawan ng Taiwan ang desisyon ng UN arbitral tribunal kaugnay sa agawan ng teritoryo sa South China Sea kung saan isinaad na iligal ang ipinagpipilitang nine-dash line ng China.
Ayon sa kinatawan ng Taiwan sa Pilipinas na si Gary Song-Huann Lin, labis na naapektuhan ang kanilang bansa sa nasabing desisyon dahil napilayan rin ang kanilang mga karapatan sa mga isla sa South China Sea.
Kaya naman nais ng Taiwan na makisali sa pag-uusap ng China at ng Pilipinas tungkol dito, dahil naniniwala siyang madadaan pa ito sa mapayapang usapan lalo’t sila ang pumapagitna sa Southeast Asia at Northeast Asia.
Paliwanag ni Lin, wala naman silang balak na kwestyunin ang katayuan ng Pilipinas, ngunit naniniwala sila na lalo lang pinalala ng desisyong ito ang sitwasyon sa South China Sea.
Hindi rin aniya nila matatanggap ang nakasaad sa ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na ang kanilang isla na Itu Aba o Taiping Island ay isang bato lamang at hindi talaga isla.
Nasaktan rin aniya sila sa maling pagtawag sa kanila sa nasabing desisyon bilang “Taiwan Authority of China” dahil isa silang hiwalay na estado na may sariling soberenya.
Ayon pa kay Lin, hindi naging patas ang tribunal dahil bagaman damay sila sa isyung ito, hindi naman nila dininig ang boses ng mga taga-Taiwan.
Babala pa ni Lin, oras na hindi maayos ng mga world leaders ang isyu sa South China Sea, posibleng pumutok ang malaking gulo sa pagitan ng China at ng Estados Unidos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.