Ombudsman tinuruan ni Drilon ng diskarte laban kay GMA
Mistulang tinuruan ni outgoing Senate President Franklin Drilon ang Ombudsman sa kanilang susunod na legal move para tiyakin na maididiin sa plunder case si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa regular na media forum sa Senado, sinabi ni Drilon na dapat hanapin ng Ombudsman si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Rosario Uriarte dahil siya ang maituturing na “missing link” sa kaso.
Ipinaliwanag ni Drilon na si Uriarte ang dating resource person sa Senate probe na nagpaliwanag kaugnay sa direktang pakikialam umano ni Arroyo sa iniimbestigahang P300 Million na intelligence fund ng PCSO.
Sinabi ni Drilon na hindi naiharap sa hukuman si Uriarte kaya naging mahina ang kaso ng Ombudsman kontra sa dating pangulo.
Kung nasa ibang bansa man ang dating opisyal ng PCSO, sinabi ni Drilon na tiyak na makakagawa naman ng diskarte ang Ombudsman para ito ay maibalik sa bansa at maiharap sa hukuman.
Idinagdag pa ng mambabatras na bagama’t iginagalang niya ang desisyon ng Supreme Court ay dismayado naman siya sa desisyon pabor kay Arroyo dahil hindi raw nila nasilip ng husto ng merito ng mga ebidensiyang iniharap ng prosecution.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.