KFC at Apple sa China, nadadamay South China Sea dispute
Apektado ng isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea ang fastfood chain na KFC at ang tech giant na Apple sa China.
Maraming mga nationalists kasi ang sumugod sa mga outlets ng KFC sa China at hinikayat ang mga tao na i-boycott ang nasabing kainan dahil sa akusasyon na ang Amerika ang nanulsol sa Pilipinas na hamunin ang pag-angkin ng China sa kanilang teritoryo.
Kumalat rin sa internet ang mga nakababatang Chinese na may bitbit na slogans na nagpo-protesta naman laban sa Apple iPhones.
Lalong pina-init ng kanilang state media ang galit ng mga tao matapos ang mga sunud-sunod na pagbatikos sa ginawang ruling ng U.N. tribunal na nagsasabing walang legal na basehan ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea.
May ilang litrato rin na kumalat sa internet na sinisira ng ilang mga Chinese ang kanilang mga iPhones, habang ang iba naman ay nanawagan na i-boycott rin ang dried Mangoes at iba pang produktong mula sa Pilipinas.
Nagsisimula na rin ang panawagan ng iba na huwag tangkilikin ang mga produkto ng Japan at Korea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.