Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) nakapagtala sila ng 57,026 na kaso ng dengue simula January 1 hanggang June 25 ng taong ito.
Ito ay mas mataas ng 35.7 percent kumpara sa naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Bukod dito, mas tumaas rin ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue ngayong 2016 na nasa 248 na kumpara sa 148 noong 2015, sa parehong panahon.
Base sa pinakahuling report ng DOH, mababatid na ang may pinakamaraming kaso ng dengue sa loob ng anim na buwan ay ang rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Batangas, Rizal, Quezon) sa bilang na 7,463 o 13.1 percent.
Sumunod naman dito ang Central Visayas na nakapagtala ng 5,783 na kaso o 10.1 percent; Central Luzon na may 5,586 na kaso o 9.8 percent; northern Mindanao sa 5,521 na kaso o 9.7 percent at sa Socssksargen, 4,583 o 8 percent.
Naitala ang pinakamatataas na record sa Calabarzon, Central Visayas at Central Luzon sa kabila ng paglulunsad doon ng dengue vaccines para sa mga estudyante ng public elementary schools.
Samantala, nakitaan naman ng pinakamataas na dagdag sa mga kaso ng dengue sa Eastern Visayas na nasa 206 percent dahil nakapagtala rito ng 1,870 na kaso ngayong 2016 mula sa dating 610 lamang noong 2015.