Abogado ng magkapatid na Manalo at 2 iba pa, sinaktan umano ng mga gwardya ng INC

By Kabie Aenlle July 21, 2016 - 04:11 AM

 

Inquirer file photo

Nadala sa ospital ang abogado ng magkapatid na pinatalsik na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na sina Angel Manalo at Lottie Manalo-Hemedez at dalawang iba pa niyang kasama, Martes ng gabi.

Ito’y matapos umano silang saktan ng mga security personnel at mga lalaking naka-takip ang mukha na nakabantay sa bahay ng magkapatid sa 36 Tandang Sora, Quezon City.

Ayon kay Atty. Trixie Angeles, nakatanggap sila ng tawag mula sa kanilang mga kliyente noong gabing iyon, dahil may mga security personnel umanong nagpu-pumilit pumasok sa kanilang tahanan para magbigay ng summon.

Aniya tumungo siya agad doon ngunit ayaw siyang papasukin ng mga guwardya sa kabila ng kaniyang pakikiusap.

Dagdag pa ni Angeles, nakakita rin siya ng backhoe sa lugar na sinusubukang sirain ang bakod ng bahay, habang nasa 60 na lalaking naka-takip ang mukha ang nakapalibot sa lugar.

Nang tanungin niya ang mga ito kung nasaan ang kanilang court order, may tumulak na aniya sa kanila ng dalawa niyang kasama kaya bumagsak sila sa lupa.

Ginulpi aniya ng mga naka-maskarang mga lalaki ang dalawa niyang assistant at pinosasan pa ang mga ito. Binantaan rin aniya siya ng mga gwardya na masasaktan rin siya kung magpupumilit siyang pumasok.

Pinuna rin niya ang kawalan ng aksyon ng mga pulis na nasa lugar nang mangyari ang komosyon, at tumulong lamang ang mga ito nang isang babae niyang kasama ang naitulak na rin ng mga lalaki.

Napakiusapan niya rin kalaunan ang mga security personnel na tanggalin ang posas sa kaniyang mga kasama.

Nagtamo ng mga pasa, galos at bukol sa ulo si Angeles kaya dinala sila ng kaniyang mga kasama sa East Avenue Medical Center at isinailalim pa sa obserbasyon.

Samantala, ayon naman kay INC spokesperson Edwil Zabala, nakasaad sa kanilang Writ of Replevin na maari nilang kunin ang mga natitirang sasakyan ng INC sa loob ng lugar, at ang alam niya ay binigay na ng Quezon City RTC ang order sa sheriff na kanilang nakausap.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.