Ilang Kongresista, dismayado sa SC ruling pabor kay CGMA

ArroyoKung may mga natutuwa, hindi naman mawawala ang mga dismayadong Mambabatas sa pagkakabasura ng Korte Suprema ng plunder case ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Giit ni Bayan Muna Party list Rep. Carlos Zarate, marami pa sanang paraang ginawa ang Office of the Ombudsman para tumibay ang kaso at mangalap ng ebidensya laban sa dating pangulo.

Pero, mukhang nakuntento na aniya ang dating Aquino administration na makulong lamang ng anim na taon si CGMA, sa halip na tiyaking maco-convict ang dating presidente sa kaso.

Dagdag ni Zarate, ang SC ruling pabor kay Arroyo ay maituturing na setback sa justice sytem sa bansa.

Gayunman, huwag aniya ito maging dahilan para hindi mapanagot sa batas ang iba pang sangkot sa katiwalian.

Para naman kay Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, nakakadismaya subalit hindi na nakaksorpresa ang pasya ng Korte Suprema.

Ani Bag-ao, bagama’t napatalsik ang loyal Chief Justice ni Arroyo, marami pa rin aniya ang natirang tapat sa dating pangulo.

Hindi rin aniya bago ang desisyon ng Korte Suprema dahil matatandaan na una nang pinayagan ng mga mahistrado si dating Senador Juan Ponce Enrile na makapagpiyansa, kahit nahaharap sa kasong plunder.

Sa kabila ng lahat, umaasa si Bag-ao na sa huli, ang tama pa rin ang mananaig at iiral pa rin ang hustisya.

Sa botong 11-4 ay kinatigan ng Korte Suprema si Arroyo na nagpapawalang bisa sa plunder case nito kaugnay sa maanomalyang paggamit ng 366 Million PCSO funds.

 

Read more...