Ratipikasyon ng Paris Treaty on Climate Change, hindi na itutuloy ng Senado

 

Inquirer file photo

Dahil sa ayaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumalima sa Paris climate Change treaty, hindi na rin raratipikahan ng Senado ang makasaysayang kasunduan.

Ang reaksyon ni Drilon ay bilang tugon sa pahayag kamakalawa ni Pangulong Duterte na hindi kikilalalanin ang Paris treaty on Climate Change na pinirmahan ng PIlipinas at nasa halos 200 pang mga bansa.

Sa ilalim ng kasunduan na pinirmahan noong nakaraang administrasyon, nangangako ang Pilipinas na ibababa ang polusyon o carbon emission nito ng hanggang 70 porsiyento hanggang taong 2030 upang maibsan ang global warming.

Ayon kay outgoing Senate President Franklin Drilon, dahil si Pangulong Duterte ang tagapagpa-iral ng foreign policy, nasa kanya ang kapangyarihan kung hindi nito nais na sundin ang isang kasunduan kung sa tingin nito ay hindi ito naaayon sa polisiya ng bansa.

Kung hindi aniya ipapadala ni Pangulong Duterte ang tratado sa Senado, walang dahilan upang ratipikahan ito ng mga mambabatas.

Samantala, hinihiling naman ni dating DFA Secretary Albert Del Rosario na nanguna na isulong ang kasunduan noong nakaraang administrasyon na irekunsidera ng Pangulo ang kanyang posisyon sa isyu.

Ang paglagda aniya ng Pilipinas sa naturang kasunduan ay maituturing na isang kontrata na dapat na binibigyan ng kaukulang pagpapahalaga.

Read more...