FVR hindi pa sigurado sa alok na maging special envoy to China
Hindi pa rin sigurado si dating Pangulong Fidel V. Ramos kung tatanggapin niya ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangunahan ang bilateral talks sa China bilang isang special envoy.
Ayon kay Ramos, nakatakda siyang makipag-pulong kay Pangulong Duterte upang masabi niya ang kaniyang mga alalahanin at mga kinu-konsidera bago tanggapin ang alok na ito.
Ibinahagi pa ni Ramos ang ilan sa mga ito, at una na nga rito ay ang problema niya sa kalusugan.
Aniya, dahil sa kaniyang problema sa kalusugan, kailangang lagi siyang malapit sa isang doktor na nakakaalam ng kaniyang sitwasyon.
Nabanggit na rin niya noon sa isang panayam na tatanggapin lamang niya ang alok sakaling makatanggap siya ng medical clearance mula sa kaniyang mga doktor.
Pangalawa, mayroon din aniya siyang mga commitments sa mga tinatawag na “millenials.”
Giit ni Ramos, kaya naman niyang maging special envoy, ngunit kailangan niya muna itong ikonsulta sa mga kabahagi niya sa kaniyang buhay partikular na ang kaniyang pamilya.
Aniya pa, mayroon siyang obligasyon sa kaniyang misis, mga anak at mga apo dahil sila ay parte ng kaniyang buhay. Dagdag pa niya, may proyekto siya para sa mga ito at mayroon din namang proyekto ang kaniyang pamilya para sa kaniya.
Gayunman, ano pa man ang magiging pinal na desisyon, pinasalamatan niya ang alok sa kaniya ni Duterte at sinabing ito ay isang karangalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.