CGMA bigo pang makalabas ng VMMC

 

Inquirer file photo

Bagaman naabswelto na ng Korte Suprema, hindi pa rin tuluyang nakakalaya at nakakalabas ng Veterans Medical Center si Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ay dahil hindi natanggap ng kampo ni Arroyo ang kopya nila ng resolusyon ng Korte Suprema na nagsasaad ng pag-abswelto sa kaniya sa kasong plunder.

Kimumpirma rin ito ng kaniyang abogadong si Atty. Laurence Arroyo at sinabing walang naibigay na kopya ng order ng pagpapalaya sa kongresista mula sa kaniyang hospital arrest bago mag-alas 5:00 ng hapon ng Martes.

Dahil dito kailangan munang maghintay ni Arroyo sa ospital, lalo’t ihahain pa nila ito sa Sandiganbayan.

Samantala ayon naman sa clerk of court ng Sandiganbayan First Division na si Atty. Estella Rosete, maaring hindi na kailangan pang hintayin ng kampo ni Arroyo ang release order mula sa kanila.

Depende aniya kasi ito sa kung ano ang nakasaad sa resolusyon dahil posibleng direktang i-presenta na lamang ito sa mga pulis na nagbabantay sa kaniya at saka na lamang bigyan ng kopya ang Sandiganbayan.

Ayon naman kay Atty. Arroyo, oras na makakuha sila ng kopya ng order, bibigyan na rin nila ng kopya ang headquarters ng Philippine National Police.

Read more...