Daliri ng hepe ng pulis sa Lamitan, muntik maputol, kinagat ng Abu Sayyaf member

Photo courtesy of Ronda de Basilan
Photo courtesy of Ronda de Basilan

Muntik maputulan ng daliri si Police Senior Inspector Gean Gallardo, Chief of Police ng Lamitan City, Basilan, nang tinangkang agawin ng isang notoryus na Abu Sayyaf member ang kaniyang baril.

Ang ASG member na si Manan Abubakar alyas “Pido” ay isinasailalim sa imbestigasyon sa Lamitan City Police Station ala 1:00 ng hapon kahapon, Lunes, Hulyo 18 nang maganap ang insidente.

Ayon kay Gallardo, galing siya sa Zamboanga City araw ng Linggo nang mahuli ng kanyang mga tauhan si Abubakar sa Lamitan City.

Nang iniharap ito sa kanya, agad daw niyang nakilala ang suspek na itinuturing niyang “malaking isda”.

Dito na raw nagtangkang agawin ni Abubakar ang M4 rifle ni Gallardo habang pinipigilan ng kanyang mga tauhan sa kanyang balak.

Matapos makagat ni Abubakar sa daliri ay hinugot ni Gallardo ang kanyang kalibre 45 at binaril si Abubakar na siyang ikinamatay nito.

Si Abubakar na notoryus sa lugar bilang isang extortionist at IED bomber ay tauhan ni Abu Sayyaf sub leader Nur Hassan Jamiri.

 

 

Read more...