Guilty ang hatol ng korte kay James Holmes na namaril sa screening ng pelikulang “The Dark Knight Rises” noong July 2012 na ikinamatay ng labingdalawang katao at ikinasugat ng iba pa.
Matapos ang dalawang araw na deliberasyon, hinatulan si Holmes na guilty sa 24 na bilang ng kasong first-degree murder. Posibleng kamatayan ang kaharaping parusa ni Holmes. Tahimik lamang si Holmes at walang reaksyon nang basahin ang hatol sa kaniya.
Maliban sa pagiging guilty sa 24 na bilang ng kasong first-degree murder, guilty rin ang hatol kay Holmes sa mahigit isang daang bilang ng kasong attempted first-degree murder dahil sa mga nasugatan sa kaniyang pamamaril.
“The jury has also found Holmes guilty of attempted first-degree murder on some of the 140 counts against him for the 70 people wounded in the shooting. Additionally, he faces one count of possession or control of an explosive or incendiary device,” ayon sa desisyon
Ang pamamaril ni Holmes ay naganap sa loob ng sinehan sa Aurora, Colorado noong July 2012 kung saan labingdalawa ang agad na nasawi at 70 ang nasugatan.
Iginigiit ng mga abogado ni Holmes na hindi siya puwedeng mapanagot sa insidente dahil wala siya sa katinuan at hindi niya kontrolado ang kaniyang pag-iisip.
Sa mga ebidensyang nailatag sa korte, lumitaw na labingdalawang araw bago ang screening noong July 19, 2012 ay nakabili na ng ticket si Holmes. Nakitang lumabas si Holmes gamit ang rear door at labingwalong minuto ang nakalipas nang magsimula ang pelikula ay bumalik ito na nakasuot na ng ballistic helmet, gas mask, itim na gloves at protective gear.
Naghagis ito ng tear gas sa loob ng sinehan at saka nagsimulang magpaputok gamit ang AR-15 rifle, 12-gauge shotgun at isang .40 caliber handgun./Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.