Cong. Alfred Vargas, may apela sa publiko hinggil sa pagpapakalat ng videos sa social media
Pinayuhan ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang publiko na maging mas maingat sa paglalabas at pagpapakalat ng mga video o istorya na galing sa hindi kilalang sources.
Ang pahayag ni Vargas ay kasunod ng kontrobersyal at viral video kung saan mapapanood si Senator Leila de Lima, na may katabing lalaki na nakasikuhan pa nito at sinasabing ito ay ang drug lord na si Herbert Colangco.
Kahapon, kinumpirma na ni Vargas na siya ang talaga ang lalaking naka-shades sa video, at hindi si Colangco.
Naka-salamin aniya siya dahil noong panahon na kinuha ang video ay may sore eyes siya.
Sa kanyang bagong statement, sinabi ni Vargas na isang simpleng kaso ng mistaken identity ang nangyari, lalo’t ang video ay malabo.
Apela ng 2nd termer congressman sa mga tao, mag-ingat sa paggawa agad-agad ng ‘big assumptions’.
Sana rin daw ay maging ‘more discerning’ ang publiko, lalo na ang netizens pagdating sa kanilang nababasa o napapanuod sa social media.
Giit ni Vargas, hindi lahat ng nasa social media ay totoo, partikular na kung kaduda-duda ang source ng mga ito at kung ito ay bahagi lamang ng paninira laban sa sinumang tao.
Sa nasabing video, makikita si De Lima na umaawit ng kantang “Bakit” matapos ipasa sa kaniya ni Imelda Papin ang microphone.
Kuha ang nasabing video noong kaarawan ni De Lima na isinagawa sa quadrangle ng Department of Justice kung saan isa si Vargas sa kaniyang mga panauhin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.