Lumalabas na magkakilala na sina Pangulong Rodrigo Duterte at ang Cebuanong negosyante na sinasabing drug lord na si Peter Lim, bago pa man sila magpulong sa Davao City.
Mag-kumpare kasi ang dalawa dahil pareho silang naging ninong sa kasal nina Yuri Ofek, isang israeli expatriate, at Beatrice Borja sa Lapu-Lapu City sa Cebu noong June 25.
Kinumpirma ito ng tagapagsalita ni Lim na si Dioscoro Fuentes Jr.
Bukod kina Duterte at Lim, isa rin sa mga principal sponsors ng kasal ay sina Sen. Cynthia Villar at asawa nitong si dating Sen. Manny Villar, na mga magulang ng bagong Public Works Sec. Mark Villar.
Ayon sa mga sources, si Borja ay ang kaisa-isang anak ng negosyanteng si Fernando Borja na may-ari ng Adnama Group of Companies at malapit na kaibigan at taga-suporta ni Duterte noong panahon ng kampanya.
Nagsagawa pa ng thanksgiving dinner si Mr. Borja sa Mandaue Reclamation Area noong June 8 para kay Duterte.
Sa ngayon ay kumakalat na rin sa Facebook ang isang litrato nina Duterte at Lim, at umaani na rin ng batikos mula sa mga netizens.
Naka-post ito sa Facebook page na “Facts Against Ignorance” na nagsasabing kinuhanan ang litrato sa kasal na kanilang dinaluhan noong June 25.
Matatandaang isa si Lim sa mga pinangalanan ni Pangulong Duterte na mga top drug lords sa bansa, ngunit itinanggi ito ng negosyante sa harap mismo ng pangulo at tiniyak na magpapa-imbestiga siya para malinis ang kaniyang pangalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.