De Lima, iginiit na hindi si Colangco ang lalaking kasama niya sa viral video

By Isa Avendaño-Umali July 17, 2016 - 03:41 PM

 
Leila de Lima1Mariing pinabulaanan ni Senadora Leila de Lima na nagkasama sila at nagkatabi pa ng convicted bank robber at sinasabing drug lord na si Herbert Colangco sa isang pagtitipon noong nakalipas na taon.

Ang pahayag ni De Lima ay kaugnay sa isang viral video na kumakalat ngayon sa social media kung saan makikita na may katabi siyang lalaki na naka-shades, hanggang sa pakantahin siya ng singer na si Imelda Papin.

Kinumpirma ni De Lima na ang video ay kuha mula sa kanyang kaarawan noong August 27, 2015 na ginanap sa quadrangle ng Department of Justice o DOJ.

Pero giit ng dating Justice Secretary, hindi si Colangco ang lalaking naka-salamin sa video, kundi si Quezon City Rep. Alfred Vargas, na isa sa mga bisita niya.

Ayon naman kay Vargas, siya talaga ang lalaking katabi ni De Lima sa naturang video, kaya sana raw ang mabigyang-linaw na ang lahat at lumabas ang katotohanan.

Noong araw na yun, ani Vargas, ay mayroon siyang sore eyes kaya kinailangan niyang mag-shades.

Nauna nang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Colangco bilang isa sa top drug lords sa Pilipinas, kasama sina Peter Lim at Peter Co.

Si De Lima ay naghain naman ng isang resolusyon sa Mataas na Kapulungan na layong paimbestigahan ang tumataas na bilang ng pagpatay sa mga sangkot sa ilegal na droga, na inalmahan naman ng ilang pro-Duterte.

 

TAGS: herbert colangco, Senator Leila De Lima, herbert colangco, Senator Leila De Lima

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.