6 sa 11 Mayors ng South Cotabato, pinabulaanang sila’y sangkot sa narco-politics

 

 

Itinanggi na ng anim mula sa labing isang alkalde ng South Cotabato na sangkot sila sa ilegal na droga o tinatawag na narco-politics.

Ito’y matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukod sa mga matataas na opisyal ng pambansang pulisya, mayroon din siyang listahan ng mga mayor na umano’y sabit sa narco-politics.

Ayon naman kay South Cotabato Governor Daisy Fuentes, dalawa sa alkalde ng probinsya ay kasama sa Duterte list, pero hindi naglabas ng pangalan.

Nauna nang pinabulaanan nina Tupi Mayor Reynaldo Tamayo, Tampakan Mayor Leonardo Escobillo, Sto. Nino Mayor Pablo Matinong at Banga Mayor Albert Palencia na may kinalaman sila sa anumang illegal drug activities.

Ayon naman kina Lake Sebu Mayor Antonio Fungan at T’boli Mayor Dibu Tuan, hinding-hindi sila kasama sa pinangalanan ni Presidente Duterte na sangkot sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot.

Kapwa sinabi ng mga naturang na alkalde na nililinis nila ang kani-kanilang pangalan matapos lumabas sa social media ang alegasyong nagtutukoy sa kanila.

Dagdag ni Mayor Fungan, nang mabalitaan niya na may dalawang South Cotabato mayors ang sangkot sa ilegal na droga, boluntaryo silang sumailailalim sa drug test na ang resulta ay negatibo.

Hinamon naman ni Mayor Tuan si Governor Fuentes na pangalanan ang mga alkalde na nauugnay sa ilegal na droga sa lalong madaling panahon upang mahinto na ang mga pambabatikos at akusasyon na lumalabas sa social media, at para malinis ang pangalan ng mga inosente.

 

Read more...