VP defense: Walang matibay na ebidensya sa ‘kill order video’

METRO MANILA, Philippines — Naniniwala ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte na nabigo ang panig ng prosekusyon na maglatag ng konkretong ebidensya para patunayan na may kinausap itong “hired killer.”
Sinabi ni defense lawyer Mark Vinluan na ang kabilang panig ang nagsabi sa isang press conference noong ika-23 ng Nobyembre 2024 na hindi mapapatunayan na may kinausap na “hired killer” si Duterte para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., first lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi pa ni Vinluan na maging si Senator-Judge Risa Hontiveros ay nagsabi kahapon na wala sa mga sinabi ni Duterte sa isang video ang sumusuporta sa alegasyon na may kinausap itong “hired killer.”
BASAHIN: VP Dutere pinahaharap sa unang araw ng impeachment trial niya
Idinagdag pa ni Vinluan na hindi sapat ang testimonya ni Senior Agent John Mark Calilung ng National Bureau of Investigation (NBI) para suportahan ang alegasyon laban kay Duterte.
Idiniin ng abogado na dapat tingnan ang naging pahayag ni Duterte na reaksyon ng isang asawa, ina, anak, at kapatid dahil sa nabunyag na “Operation Romanov,” isang diumano’y plano para patayin ang pangalawang pangulo at ang kanyang pamilya.
Samantala, hindi itinuloy ng panig ng prosekusyon ang pagprisinta sa kanilang ikalawang testigo, si NBI Agent Jeremy Lotoc.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.