Ginawa ang nasabing pahayag makaraang makababa ang kanyang sinasakyang eroplano sa Istanbul
Nabawi na rin ngayon ng government forces ang state TV network na TRT kung saan naunang sumahimpapawid doon ang deklarasyon ng mga rebeldeng sundalo ng kudeta laban sa pamahalaan ni Erdogan.
Umabot na sa 104 katao ang deklaradong patay sa pagitan ng mga rebelde at ng government forces samantalang mahigit sa 1,000 ang naiulat na sugatan ayon sa ulat ng Turkish prosecutor’s office.
Sa ulat ng kanilang Defense Ministry, umaabot na sa 1,563 na mga sundalo at sibilyan ang inaresto kaugnay sa bigong kudeta.
Tumangging sumama sa kudeta ang mga pinuno ng Turkish Air Force at Navy kaya hindi nagtagal ang naganap na stand-off na tumagal lamang ng ilang oras.
Dahil naputol ang broadcast ng mga himpilan ng radyo at TV sa Turkey, napilitan si Erdogan na gumamit ng Facetime para iparating sa kanyang mga kababayan ang mensahe ng pamahalaan.
Putol na rin ang serbisyo ng Twitter at Facebook sa lugar pero nangako ang pamahalaan na kaagad nilang aayusin ang serbisyo ng internet sa buong Turkey.
Iniuulat naman ng ilang mga international media networks na maririnig pa rin ang ilang pagsabog sa Ankara na siyang kapitolyo ng Turkey.
Nanatili namang sarado ang mga pangunahing airports sa nasabing bansa.