Naghain na ng piyansa si dating Vice President Jejomar Binay sa patung-patong na kasong kinakaharap sa Sandiganbayan kaugnay sa maanumalyang P2.28-billion Makati car park building.
Personal na nagtungo sa anti-graft court 3rd division si Binay para isumite ang kaniyang piyansa na nagkakahalaga ng P376,000.
Kabilang dito ang P40,000 para sa kasong malversation, P30,000 para sa bawat bilang ng kasong graft at P24,000 para sa bawat bilang ng kasong falsification of public documents.
Si Binay ay sinampahan ng Ombudsman ng kasong malversation o paglabag sa Article 217 ng Revised Penal Code, apat na bilang ng kasong graft o paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at siyam na bilang ng kasong falsification of public documents o paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code.
Ang anak ni Binay na si dating Makati Mayor Junjun Binay at iba pang mga dating opisyal ng Makati City Hall ay nauna nang kinasuhan sa Sandiganbayan.