Apat na taon na ang nakalilipas pero muling nabuhay ang mga ispekulasyon at mga teorya sa pagkasawi ni dating Interior Secretary Jesse Robredo na mister ni Vice President Leni Robredo.
Marami kasing mga lumalabas na ‘conspiracy theory’ na posibleng may tumrabaho sa pagkamatay ni Jesse noong 2012 matapos umano niyang imbestigahan ang ating hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Supt. Joel Pagdilao.
Si Pagdilao ay isa sa mga pinangalanang narco-generals ni Pangulong Duterte.
Dahil dito, nilinaw ni Robredo na ang pagkamatay ng kaniyang asawa noong 2012 ay isang aksidente, bagaman inamin niyang hindi na niya binantayan ang isyu dahil sigurado siya na aksidente ang nangyari.
Hindi rin niya aniya alam kung isa si Pagdilao sa mga inimbestigahan ng kaniyang mister noon at kung ano ang laman ng mga papeles na tinangkang kunin nina dating DILG undersecretary Rico Puno sa kanilang condominium.
Aniya pa, noong mga panahong iyon, ang tanging nasa isip niya ay ang mahanap ang katawan ng kaniyang asawa at matiyak ang kaligtasan ng kanilang tatlong anak.
Ibinigay na rin niya noon pa man ang mga dokumento ni Jesse sa Department of Justice, at ipinauubaya na niya sa mga otoridad ang mga dapat gawin doon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.