Malabo pang maisakatuparan ngayon ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dodoblehin niya ang sahod ng mga pulis at sundalo sa unang taon ng kaniyang panunungkulan.
Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, walang nailaan na pondo para sa ganitong alokasyon sa P3.35 trillion na budget para sa susunod na taon.
Isa sa mga tumatak na pangako ni Pangulong Duterte sa kaniyang kampanya noon ay ang pagpapataas ng basic salary ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Naniniwala kasi siya na kung tataasan ang sweldo ng mga pulis at sundalo, hindi na kakapit ang mga ito sa patalim at isasangkot ang kanilang sarili sa mga iligal na aktibidad.
Minsan pa ngang nag-alok ang pangulo ng P5 milyong pabuya sa pulis na makakapatay sa mga big-time drug lords.
Gayunman, sinabi ni Diokno na pansamantala munang maisasantabi ang pangakong ito ng pangulo dahil may iba pang mga problemang pinansyal sa PNP at AFP ang kailangang maunang harapin ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Diokno na pinag-aaralan nila ito, at ipinaalala na makakatanggap naman ng dagdag sweldo ang mga ito sa susunod na taon alinsunod sa Salary Standardization Law na isinabatas ni dating Pangulong Noynoy Aquino.