Mga hinihinalang biktima ng summary execution natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Sa Port Area, Maynila isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa Parola compound, malapit lamang sa Pier 2, Tondo, Maynila.

Nakasuot ng dark na t-shirt at shorts ang biktima at tinatayang nasa 5’2 hanggang 5’4 ang taas.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kaniyang katawan.

Nakarecover din ang pulisya ng isang kalibre 38 sa tabi ng bangkay ng lalaki.

Samantala, dalawang bangkay naman ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa San Juan City ngayong umaga.

Nakita ang ang bangkay ng lalaki sa Brgy. Kabayanan at at bangkay naman ng babae ang natagpuan sa Brgy. Santa Lucia sa San Juan City.

Parehong nakitaan ng 8 sachet ng shabu ang dalawang bangkay.

Sa Lasida St., Barangay Gulod sa Novaliches, Quezon City, isang lalaki naman ang natagpuang patay. Nilagyan pa ng karatulang “Snatcher at Adik ‘Wag Tularan” ang bangkay ng nasabing lalaki.

Sa Caloocan City, tatlo ang nasawi sa nakalipas na magdamag sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril.

Sa Valenzuela City naman, isang hinihinalang pusher ang patay matapos maka-engkwentro ng mga pulis sa Barangay Marulas. Nagresulta din ang nasabing operasyon sa pagkakadakip ng top 4 drug personality sa lungsod.

Sa Don Bosco, Parañaque City, patay din ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos na umano ay tambangan ng riding-in-tandem.

Nakilala ang biktima na si Roberto Frias, 42-anyos na umano ay kilala bilang dating tulak ng droga sa lugar at kamakailan ay kusang sumuko sa Oplan Tukhang ng PNP.

Samantala, sa EDSA-Ortigas Flyover malapit sa Security and Exchange Commission (SEC), itinapon ang isang bangkay ng lalaki na ibinalot sa garbage bag.

Isang kotse umano ang lumiko sa lugar at saka itinapon ang nasabing bangkay.

Nang buksan ang itim na garbage bag, nakita ang bangkay ng isang lalaki na pinagkasya sa loob ng plastic.

Sa Buting Bridge sa Pasig City, isang bangkay ng lalaki rin ang natagpuan na nilagyan pa ng karatula na may nakasulat na “Holdaper ako ‘Wag Tularan”.

Samantala, sugatan naman ang number 1 drug pusher sa Barangay Pineda sa Pasig City matapos manlaban sa operasyon ng mga pulis.

Magsisilbi sana ng search warrant ang mga pulis nang manlaban ang suspek na si Phillip Manlangit. Nasabat sa bahay ni Manlangit ang isang kilo ng shabu at isang bloke ng marijuana.

 

 

Read more...