China, nagbabala laban sa paggamit sa South China Sea bilang ‘cradle of war’
Binalaan ng China ang mga kaagaw nitong bansa na huwag gawing “cradle of war” ang South China Sea, matapos mapa-walang bisa ang kanilang pag-angkin sa mga teritoryo.
Bukod dito, nagbanta rin ang China na magpapatupad ng air defense zone sa ibabaw ng South China Sea sakaling lalo silang makaramdam ng panggigipit mula sa ibang bansa.
Ang mga bantang ito ay nagmula kay Chinese vice foreign minister Liu Zhemin bilang reaksyon sa desisyon na inilabas ng UN arbitral tribunal.
Giit pa ni Liu, ang nasabing desisyon ay isa lamang basura at sana ay hindi ito gamitin ng mga kalaban nilang bansa para i-blackmail sila.
Naniniwala naman si Chinese Ambassador to the United States Cui Tiankai na lalo lamang nitong pinaigting ang tensyon at komprontasyon sa rehiyon.
Samantala, nakasaad naman sa state newspaper na People’s Daily na handa ang China na gawin ang lahat para lamang matiyak na maprotektahan nila ang kanilang mga interes at soberanya sa kanilang teritoryo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.