4 patay sa bakbakan ng BIFF at militar sa Maguindanao
Patay ang tatlong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at isang 15-anyos na dalagita sa naganap na bakbakan sa Datu Unsay, Maguindanao.
Dahil rin sa biglaang bakbakan sa pagitan ng mga bandidong grupo at ng mga tropa ng pamahalaan, nasa 200 pamilya ang napilitang lumikas sa mas ligtas na lugar.
Nagsagawa kasi ng opensiba ang 34th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Jimson Masangkay laban sa grupo ng BIFF na hawak ni Commander Bungos matapos silang mamataan sa Barangay Meta, madaling araw ng Miyerkules.
Ayon kay 6th Infantry Division spokesperson Capt. Jo-ann Petinglay, una nang hinarass ng parehong grupo ang mga trainees ng 19th Infantry Battalion sa Shariff Aguak.
Samantala, sa kasamaang palad tinamaan ng ligaw na bala mula sa bakbakan ang 15-anyos na si Fatimah Elian, habang dalawang sundalo naman ang nasugatan.
Sa ngayon, namamalagi muna sa Datu Unsay public market at covered court ang 200 pamilyang lumikas para mailigtas ang kanilang mga sarili.
Giit naman ni BIFF spokesperson Abu Misri Mama, dinedepensahan lamang nila ang kanilang posisyon sa Barangay Meta, at itinangging may tatlo silang kasamahang nasawi pero inaming apat sa kanila ang nasugatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.