Bago nagsara sa 7,944.02 na pinakamataas na ngayong taon ng Philippine Stock Exchange Index (PSEi) umabot pa ito kaninang tanghali sa antas na 8,005.73.
Ayon sa economist na si Astro del Castillo, ito ay dahil sa patuloy na pag ganda ng ekonomiya ng Estados Unidos at ang pagbaba na ng concern sa Brexit o ang pag-alis ng Britain sa European Union.
Bukod pa rito ayon kay Del Castillo ang paborableng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa reklamo ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Naging positibo aniya ng stock market lalo na ang mga oil company na may operasyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Umaasa naman si Del Castillo na magtutuloy-tuloy na ang magandang takbo ng ekonomiya ng bansa lalo pa at maganda ang trust rating kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang huling umakyat sa 8,000 level ang PSEi noong April 14, 2015 kung saan nagsara ang kalakalan sa 8,056.49.
Samantala, nagsara naman ang piso sa P47.21 kontra sa isang dolyar na mas malakas kumpara sa pagsasara nito kahapon na P47.32.