NCIS ang kasunod na testigo

Untitled
Kuha ni Erwin Aguilon

Mula sa Naval Criminal Ivestigative Service (NCIS) ng US Marine Corps ang susunod na testigo sa korte sa pagpapatuloy na pagdinig sa kaso ng pagpatay sa trasgender na si Jennifer Laude.

Ayon kay Olongapo Deputy Chief Prosecutor Misael Lagada, si Sgt. Jake Matz ay haharap sa Olongapo City RTC sa pagdinig na itinakda sa June 1 at 2.

Si Matz ay nagtungo dito sa Pilipinas matapos ang insidente ng pagpatay kay Laude, para imbestigahan si Lance Corporal Joseph Scott Permberton.

Nitong nagdaang sa pagdinig na ginawa noong May 19, sinabi ng testigong si Lance Corporal Michael Rose sa korte na si Lauude ay pinatay sa pamamagitan ng “armlock” o pagsakal.

Ipinakita pa ni Rose sa korte kung paano gawin ang “armlock”. Sa US Marines ani Rose, sinanay ang mga tulad nila ni Rose ng iba’t ibang paraan ng self-defense tulad ng mixed martial arts na kung saan natutunan nila kung paano gawin ang “armlock”.

Sa direct examination ay isinalaysay ni Rose sa korte kung paano ikinuwento sa kaniya ni Pemberton ang pagpatay kay Laude. Sina Rose at Pemberton ay “liberty buddies” na nangangahulugang sila’y magkasama sa pamamasyal sa Olongapo noong gabi na napatay si Laude.

Sinabi pa ni Rose sa korte na noong pagkatapos sakalin ay hinila pa ni Pemberton si Laude sa comfort room ng hotel room at saka nilunod sa toilet bowl.

Ipinakita rin sa Korte ang video interview ni Rose sa Naval Criminal Investigative Service kung saan sinabi nito kung paano ikinuwento sa kanya ni Pemberton ang paraan ng pagpatay nito kay Laude. Ang sinabi ni Rose sa video taped interview ay katulad din ng sinabi niya sa korte.

Si Rose ay kasabay ni Pemberton na pumasok sa US Marine noong August 2013 at sila ay malapit na magkaibigan./Erwin Aguilon

Read more...