Senior citizens’ office sa NAPC pinabubuwag ng solon para tipid
METRO MANILA, Philippines — Ipinanukala ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang pagbuwag sa Senior Citizens Sectoral Council na nasa ilalim ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Ikinatuwiran ni Ordanes sa inihain niyang House Bill No. 783 na ang mandato ng naturang konseho ay bahagi na ng responsibilidad ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Ipinaliwanag ng mambabatas na nilikha ang NCSC base sa Republic Act No. 11350, at isa sa mga mandato nito ay iangat ang uri pamumuhay ng mga edad 60 pataas na nasa laylayan ng lipunan.
Naniniwala si Ordanes na mas maging madali, mabilis at epektibo ang pagtugon sa mga pangangailangan ng senior citizens kapag naisabatas ang kanyang panukala.
Aniya, ang mga maaapektuhang kawani ng NAPC-SCSC ay bibigyan ng mga nararapat na benepisyo.
Samantala, ang natitirang pondo ng konseho ay ibabalik sa national treasury.
Nais din ni Ordanes na maamyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act No. 8425, na lumikha sa NAPC-SCSC, upang mas maging malinaw ang depinisyon ng “disadvantaged sectors” na kinabibilangan ng senior citizens.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.