Di lang ‘photo op’ pagsaksi ni Marcos sa winasak na mga droga – Palasyo

METRO MANILA, Philippines — Binuweltahan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte sa pagpuna kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang saksihan nito ang pagwasak sa mga nakumpiskang droga kahapong Miyerkules.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na nais lamang matiyak ng punong ehekutibo na hindi mawawala o mababawasan ang mga droga na nangyari noong 2018 sa mga shabu na isinilid sa magnetic filters.
Pagpapakita din ito, dinagdag pa ni Castro, na seryoso si Marcos sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa mga droga.
BASAHIN: P5.32-B halaga ng mga droga winasak ng PDEA
“Nais ng pangulo na masawata ang iligal na droga sa bansa, at ang pagtatrabaho po ng pangulo ay dapat maramdaman ng tao. Hindi po ito pang photo ops lang. Ito ay nagsisilbing babala sa mga kriminal at nagsisilbi rin po itong inspirasyon sa mga taumbayan na nagnanais na masawata ang iligal na droga,” sabi pa ni Castro.
Sa pagdepensa pa rin niya kay Marcos, sinabi ni Castro na noong 2020 sinaksihan din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagwasak ng P7.51 bilyong halaga ng mga droga sa isang pasilidad sa Cavite.
“At baka po nakalimutan din po ng bise presidente na ang kanyang ama ay nagkaroon din po ng pagwi-witness sa incineration sa P7.51 billion dangerous drugs sa Cavite. 2020 lamang, baka nakalimutan po ito ni bise presidente,” paalala ni Castro.
Kahapon, sinabi ng nakakabatang Duterte na “photo op” o pakitang-tao lamang ang ginawa ni Marcos nang saksihan ang pagwasak sa P9.48 bilyong halaga ng droga sa Tarlac.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.