Pacquiao, itinangging magle-leave sa Senado; susunod na laban, itataon sa recess ng kongreso
Itinanggi ni Senator Manny Pacquiao ang balitang nais niyang maghain ng leave of absence sa Senado para sa planong muling pagsabak sa boxing ring.
Sa kaniyang statement, sinabi ni Pacquiao na ang kaniyang prayoridad ay ang “legislative works” niya sa Senado.
Katunayan, ani Pacquiao, hindi pa nga napag-uusapan ang magiging susunod niyang laban at kung magkakaroon man, hindi aniya ito makaka-abala sa kanyang trabaho bilang mambabatas.
“My next fight has not yet been discussed. Should there be any, i’ll make sure it will not interfere with my senate duties,” sinabi ng senador.
Ani Pacquiao, nang siya ay tumakbong senador noong May elections, nangako siya sa publiko na dadalo siya sa mga sesyon at tutuparin niya ito.
Kung magpapasya man umano siyang muling lumaban, itataon ito na naka-recess ang kongreso para hindi niya kailangang mag-leave.
Ang magiging training naman ay dito gagawin sa Pilipinas para makadalo pa rin siya sa mga sesyon kahit nagsasanay.
Ayon kay Pacquiao, ang boxing ang pinagkukunan niya ng pangkabuhayan para sa kaniyang pamilya at para makatulong sa mga nangangailangan. Habang bokasyon naman niya ang pulitika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.