Ayon kay Bob Arum, pinagpipiliian na nila ang petsa sa pagitan ng October 29 hanggang November 5.
Bagaman wala pang kumpirmadong makakalaban, sinabi ni Arum na nakikipag-ugnayan na siya kay MGM executive Richard Sturm para matiyak ang availability ng MGM Grand Garden Arena, Mandalay Bay Events Center o ng T-Mobile Arena para sa nabanggit na mga petsa.
Sa simula, sinabi n Arum na pinlano nilang gawin ang laban ng Oktubre a-kinse pero nag-conflict umano ito sa schedule ni Pacquiao sa Senado, dahil panahon ito ng pag-formulate ng budget sa senado.
“Manny wants to come back. The problem is he can only come back if it doesn’t interfere with his senate duties. So he has to be there for that week, so that knocks out that week. He can’t mess around with that. So now we’re looking at Oct. 29 or Nov. 5,” ayon kay Arum.
Ayon kay Arum, kung wala sa anumang venue ng MGM na available para sa nasabing petsa, ang susunod na opsyon aniya ay ang “Thomas & Mack Center”.
Kinumpirma din sa ESPN ni Michael Koncz, adviser ni Pacquiao, na nais ng senador na bumalik sa boxing ring pero maari itong makaapekto sa schedule niya sa senado.
Ang pangunahing concern aniya ni Pacquiao ay ang kaniyang obligasyon na maisakatuparan ang kaniyang senatorial duties.
Sinabi ni Koncz na miss na miss na ni Pacquiao ang boxing at ang training.
Magugunitang matapos ang kaniyang huling laban, sinabi ni Pacquiao na siya ay magreretiro na sa boksing.