Indonesia handang tumulong sa AFP kontra Abu Sayyaf
Aminado ang Indonesian Military Force na naghahanda na sila para sa isang operasyon kasama ang Armed Forces of the Philippines para iligtas ang kanilang mga kababayan na pinaniniwalaang bihag ng Abu Sayyaf.
Sa isang pahayag, sinabi ni Indonesian Military Commander Gen. Gatot Normantyo na hinihintay na lamang nila ang go signal na magmumula sa Armed Forces of the Philippines para sa gagawing joint operations.
Noong sabado ay apat na crew ng isang Indonesian tug boat ang dinukot ng mga armadong grupo sa karagatang sakop ng lalawigan ng Sulu.
Ito na ang pang-apat na pagkakataon na may hinarang na barko ng Indonesia sa nasabing lugar sa loob lamang ng kasalukuyang taon.
Nauna nang sinabi ni Indonesian Defense Sec. Ryamizard Ryacudu na may kasunduan ang mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay sa joint maritime patrol and operations sa kani-kanilang mga boundaries kapag may tinutugis na grupo na tumawid sa kalapit na bansa.
Sinabi naman ni Political Minister Luhut Pandjaitan na kailangang mag-usap ng mga kinatawan ng Pilipinas, Indonesia at Malaysia para mas lalo ma-plantsa ang mga kasunduan sa mga posibleng joint military operations sa rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
