METRO MANILA, Phililppines — Binigyan ng tatlong araw ng Commission on Elections (Comelec) si Pasig City House candidate Attorney Christian “Ian” Sia para ipaliwanag ang kanyang solo mother joke na pinagpipiyestahan ngayon sa social media.
Ang show-cause order kay Sia ay mula kay Director Sonia Wee-Lozada ng Comelec Task Force Safeguarding Against Fear and Exclusion (SAFE).
Kaugnay ito sa pahayag ni Sia sa isang campaign event sa lungsod kahapong Huwebes at patungkol sa mga solo na nanay.
BASAHIN: 12 DSWD programs exempted sa election ban – Comelec
Narinig si Sia na sinabi: “Minsan sa isang taon, ang mga solo parent na babae na nireregla pa at nalulungkot, minsan sa isang taon, pwedeng sumiping ho sa akin.”
Sa utos ng Comelec, sinabi na ang naging pahayag ni Sia ay maaring paglabag sa Comelec Resolution No. 11116 — o ang Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines for the Purposes of the 12 May 2025 Natiional and Local Elections and BARMM Parliamentary Elections.
Una nang pinuna ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang pahayag ni Sia at sinabi na hindi nakakatawa ang biro ng kandidato.
Payo din niya, ang mga kandidato dapat ay naglalatag at nagpapaliwanag ng kanilang mga plataporma sa panliligaw nila sa mga botante.