National Land Use Act mahalaga sa pag-iwas sa food crisis – Abalos

METRO MANILA, Philippines — Tiniyak ni dating Interior Secretary Benhur Abalos na isusulong Senado ang pagsasabatas ng National Land Use Act kapag nahalal siya sa halalan nitong Mayo.
Ayon kay Abalos napakahalaga ng panukala sa usapin ng seguridad sa pagkain sa Pilipinas.
Nababahala aniya siya sa mabilis na urbanisasyon dahil nauubos ang mga lupang sakahan o taniman.
“Ito ay tungkol sa pagkain. Ito ay tungkol sa buhay. Ito ay tungkol sa kinabukasan natin. Kung wala tayong food sustainability, inilalagay natin sa alanganin ang ating hinaharap,” sabi ni Abalos sa mga mamamahayag bago ang campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Santa Rosa City, Laguna, kamakailan.
BASAHIN: ‘One Town, One Product’ magpababa ng food prices – Tolentino
Hinikayat ni Abalos ang mga lokal na pamahalaan na gumawa na ngayon ng hakbang upang hindi mabili ng mga negosyante ang mga lupa sa kanilang lugar.
“Ang maaari nating gawin ay magbigay ng insentibo sa lokal na antas upang magdalawang isip ang mga may-ari ng lupa bago ito ibenta,” dagdag pa nito.
Umapila din si Abalos na buhusan ng suporta ang mga magsasaka sa pamamagitan ng maayos na imprastraktura, abot-kayang pautang, at mas murang crop insurance.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.