Malacañang sa Duterte supporters: Relax lang, sumunod sa batas
METRO MANILA, Philippines — Nanawagan ang Malacañang sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na manatiling kalmado kaugnay sa kumakalat na impormasyon may utos na ang International Criminal Court (ICC) na arestuhin na siya.
“Ito naman din po ang pakiusap natin kung mangyayari po ito. Yung mga tao, ang taumbayan, kung sino man ang mga supporters, makinig na lang po kayo kung ano ang sinasabi ng batas,” sabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, na siya ring press officer ng Malacañang.
Tiniyak din ni Castro na handa ang lahat ng kinauukulang ahensiya anuman ang mangyari.
BASAHIN: Pag-aresto kay Rodrigo Duterte nasa kamay ni Marcos – DOJ
Aniya pipigilan nila ng maging mitsa ng kaguluhan ang pagsisllbi ng warrant of arrest.
“Kung ano po ang sinasabi ng batas, kung kinakailangan po na i-serve ang warrant of arrest because of the request of the Interpol, ano’t ano po ang mangyayari basta nasa legal gagawin po yan ng pamahalaan,” idinagdag pa niya.
Nilinaw naman ni Castro na wala pang kumpirmasyon ang kumalat na ulat na may utos na ang ICC na arestuhin si Duterte dahil sa “crimes against humanity” bunga ng madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Wala pa din red notice mula sa Interpol para sa pag-aresto kay Duterte, sabi pa ni Castro.
Ngunit idinagdag niha na ang dating pangulo na rin naman ang humamon sa ICC na madaliin ang pagpapaharap sa kanya kayat hindi naniniwala ang Malacañang na binabalak na takasan ni Duterte ang kaso.
“Pinamamadali nga niya ang ICC. Diba sabi nga niya ‘hurry up!’ At ang sinabi pa niya, tomorrow, bukas na bukas din, kung gusto niyo mag-imbestiga. And if you will put me in prison, I would rather rot in jail,” ayon pa kay Castro patukoy sa mga unang komento ni Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.