
METRO MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagbabago sa mga oras ng klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod simula ngayong araw ng Martes.
Ginawa ni Zamora ang hakbang bilang proteksyon sa mga estudyante sa sobrang init ng panahon.
Nakasaad sa Executive Order No. FMZ-193, Series of 2025, ang lahat ng pang-umagang klase ay 6 a.m. hanggang 10 a.m. at ang panghapon naman ay magsisimula ng 3 p.m. hanggang 7 p.m.
BASAHIN: DOH warns vs heat-related illnesses amid high heat index
Sinabi din ni Zamora na bibigyan ng mga karagadagang aktibidad ang mga mag-aaral na magagawa nila sa kanilang bahay.
Ipina-ubaya naman niya sa mga pribadong paaralan, kolehiyo at unibersidad sa lungsod ang pagbabago sa oras ng kanilang mga klase.
Hinihikayat na lamang aniya nila ang mga pribadong institusyon na iwasan ang pagdaraos ng in-person classes sa mga oras na sobrang mataas ang temperatura.