
METRO MANILA, Philippines — Sinabi ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na walang batas ukol sa political dynasty sa bansa.
Ayon kay Tulfo, na kabilang sa mga kandidato sa pagka-senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, nakasaad sa 1987 Constitution na kailangan munang bigyang kahulugan ang “political dynasty.”
Sinabi ito ng mambabatas bilang reaksyon sa hiling sa Commission on Elections (Comelect) ng isang abogadong Virgilio Garcia na madiskuwalipika ang lahat ng mga miyembro ng pamilyang Tulfo na kumakandidato sa ibat-ibang posisyon sa 2025 midterm elections sa Mayo.
BASAHIN:
Bukod kay Tulfo, kandidato din sa pagka-senador ang nakakatandang kapatid na si Ben “Bitag” Tulfo; ang hipag na si ACT-CIS Rep. Jocelyn Tulfo; ang kanyang pamangkin na si Quezon City Rep. Ralph Tulfo; at ang kanyang nakakatandang kapatid, si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, ang unang nominado ng Turismo party-list.
Tiniyak ni Tulfo na kapag may isusulong na anti-political dynasty bill ay susuportahan niya ito.
Kinatigan naman ni dating Sen. Panfilo Lacson na wala pang batas na nagbabawal sa “political dynasty.”
Kapag nahalal muli sa Senado, sinabi ni Lacson, na muli niyang ihahain ang panukalang magbibigay ng malinaw na kahulugan sa “political dynasty” base sa nakasaad sa Saligang Batas.