METRO MANILA, Philippines — Inabot na ng tanghali ngayong Biyernes ang paglilinis at paghahakot ng mga basura na iniwan ng milyong-milyong deboto na nakibahagi sa Traslacion.
Huling nalinis ang Quiapo at mga kalapit na lugar dahil madaling araw na nang matapos ang prusisyon ng Hesus Nazareno sa Quiapo Church.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na mula noong ika-8 ng Enero 8 nang sinimulan ang Pahalik sa imahe ng Hesus Nazareno sa Quirino Grandstand hanggang kaninang umaga ay umabot sa 382 metric tons ng basura ang nahakot ng lokal na pamahalaan.
BASAHIN: Traslacion 2025 ‘generally peaceful and orderly’ – PNP
Wala pang nailalabas na pinal na datos ukol sa nahakot na mga basura ang pamahalaang lungsod, ngunit may pagtataya na sa kabuuan ay halos 60 na truck ng mga basura ang ibinunga ng taunang prusisyon.
Karamihan sa mga basura ay food at water containers at mga karton at aluminum sheet na pinaghigaan ng mga deboto.
May ulat na ipinag-utos ni Lacuna-Pangan ang “flushing” sa mga lugar na ginawang palikuran ng mga deboto.