Traslacion 2025 ‘generally peaceful and orderly’ – PNP

PHOTO: Devotees flock around the Nazarene carriage FOR STORY: Traslacion 2025  ‘generally peaceful and orderly’ – PNP
Halos 7.4 milyong deboto ang nakibahagi sa Traslacion ng Hesus Nazareno ngayon taon, ayon sa pambansang pulisya. —Kuha ni Arnel Tacson | INQUIRER.net

METRO MANILA, Philippines — Halos 7.4 milyong deboto ang nakibahagi sa Traslacion simula Huwebes ng madaling araw hanggang kaninang madaling araw, ayon sa pambansang pulisya.

At sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na sa pangkalahatan ay naging maayos at payapa ang selebrasyon ng kapistahan ng Hesus Nazareno ng Quiapo.

Aniya tumagal ng 20 oras at 45 minuto ang Traslacion ngayon taon base sa pag-alis ng imahen ng alas-4:40 ng madaling araw kahapon at ala-1:25 ng madaling araw kanina nang maipasok ito muli sa Quiapo Church.

BASAHIN: Higit 6.5 milyon deboto inaasahan sa Traslacion ng Nazareno

Sinabi ni Marbil na muling napatunayan ang dedikasyon sa trabaho ng mga pulis dahil hinarap at napagtagumpayan nila ang mga hamon para protektahan ang milyong-milyong deboto na nakibahagi sa taunang prusisyon ng Hesus Nazareno.

Base naman sa ulat ng Philippine Red Cross, sabi pa ni Marbil, may 1.300 na deboto ang nasaktan o nasugatan dahil sa pagtutulakan.

Nagtalaga ang pambansang pulisya ng 14, 474 na pulis para sa seguridad ng Traslacion ngayon taon.

Read more...