Mas mabigat na parusa ikinarga sa FOI bills sa Kamara

By Isa Avendaño-Umali July 11, 2016 - 03:41 PM

House of Representatives
Inquirer file photo

Dalawa pang bersyon ng Freedom of Information o FOI bill ang naihain para sa 17th Congress.

Ito’y kahit pa may executive order na si Pangulong Rodrigo Duterte para sa FOI.

Sa House Bill 161 ni Quezon City Rep. Kit Belmonte, mas mabigat na parusa ang ipapataw sa sinumang public officials na lalabag sa FOI act.

Ayon kay Belmonte, taliwas sa House-approved version noon na may maximum na anim na buwang pagkakabilanggo, nakasaad sa kanyang sariling FOI bill na i-aakyat na sa isang taong pagkakakulong ang kahaharapin ng nagkasala.

Noong Aquino administration, isa si Belmonte sa animnapu’t limang Kongresista na naghain ng FOI bill.

Giit ni Belmonte, kailangan nang magkaroon ng isang FOI act para sa matagal nang paghahanap ng publiko ng tunay na reporma, transparency at accountability sa gobyerno.

Sa FOI version naman ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, ipinunto ang ‘right to information’ ng bawat tao, kaya nararapat na maipasa na ang tinatawag niyang ‘People’s Freedom of Information Act’.

Sa explanatory note ni Vargas, binigyang-diin nito na importante ang isang FOI law upang labanan ng kurapsyon sa gobyerno.

Sa ilalim ng kanyang FOI bill, sinabi ni Vargas na sakop ang lahat ng ahensya ng pamahalaan: mula Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura maging ang constitutional branches.

Kapag naging ganap na batas, ang bawat Pilipino ay bibigyan ng karapatan sa lahat ng record na nasa ilalim ng anumang government agency  ‘upon request.’

Ang mga impormasyon din ay dapat bukas sa public scrutiny, copying at reproduction.

Mahaharap naman sa administrative sanction o criminal liability ang sinumang public officer o employee na lalabag.

TAGS: 17th congress, FOI, House of Representatives, 17th congress, FOI, House of Representatives

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.