GSIS may P8.6B na typhoon loan sa mga miyembro, pensioner

PHOTO: GSIS main office
GSIS main office —File photo mula sa Facebook page ng GSIS

METRO MANILA, Philippines — Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng higit P8 bilyong piso para ipautang sa mga miyembro at pensyoner nito na lubhang naapektuhan ng mga nakalipas na bagyo.

Ayon sa GSIS ang emergency loan ay inaalok sa 363,547 na miyembro at pensyoner sa ilang rehiyon.

Nilinaw ng ahensya na ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon para sa mga nais umutang ay depende sa rehiyon.

Sa Isabela hanggang sa Sabado, ika-4 ng Enero na lamang maaring magsumite ng aplikasyon. Samantalang sa ika-5 ng Enero naman sa mga nasa lalawigan ng Ifugao, Nueva Vizcaya, at mga bayan ng Burgos at Bautista sa Pangasinan.

Samantala, ang mga kuwalipikadong miyembro sa lalawigan ng Cagayan ay mayroon hanggang ika-16 ng Enero para magsumite ng aplikasyon.

Sa ika-24 ng Enero naman ang palugit sa mga uutang na nasa Albay, at sa ika-28 ng Enero sa Batangas, Camarines Norte at Catanduanes.

Hanggang ika-30 bg Enero naman ang palugit sa mga nasa lalawigan ng Quezon, maliban sa Lucena City, Camarines Sur, Laguna, Naga City, at iba pang mga bayan sa Sorsogon at Masbate.

Sa ika-5 ng Pebrero naman ang palugit sa mga nasa iba pang lugar sa Sorsogon, kasama ang Sorsogon City, Bacon, Casiguran.

At sa ika-12 ng Pebrero naman sa Pio V. Corpuz at ika-21 ng Pebrero 21 sa Uson na kapwa nasa lalawigan ng Masbate.

Ang mga kuwalipikado ay ang mga miyembro na nakatira sa mga lugar na sumailalim sa state of calamity, nakapaghulog sa GSIS sa nakalipas na anim na buwan, walang kinahaharap na mga kasong kriminal at administratibo at nakakatanggap ng P5,000 na suweldo.

Maaring umutang ng hanggang P20,000 sa mga walang binabayarang emergency loan at hanggang P40,000 naman sa mga may utang pa na binabayaran sa GSIS ngunit hindi maaring lumagpas sa P20,000 kapag nabawas na ang kabuuang bayad sa kanilang unang inutang.

Read more...