“Kelan kakatukin bahay ng mayayamang adik, pusher?” sa ‘Wag Kang Pikon ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo July 11, 2016 - 01:18 PM

Oplan Tukhang sa Brgy. Longos Balagtas Bulacan/Twitter Photo-pio_balagtasmps
Oplan Tukhang sa Brgy. Longos Balagtas Bulacan/Twitter Photo-pio_balagtasmps

NITONG nakaraang Sabado, may 4,000 drug users at pushers ang sumuko sa Tagum City, Davao del Norte. Nauna rito, 3,946 ang sumuko naman sa buong Region 12, habang 3,000 sa Bohol. Sa Metro Manila, 2,066 ang sumuko sa Southern Police District, 900 sa EPD, halos tig-isang libo sa Quezon City, Maynila at Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Talagang sa buong bansa ay naglulutangan ang mga gumagamit at nagbebenta ng droga. Ito ay dahil na rin sa bahay-bahay na “Oplan TUKHANG”, kung saan kinakatok ang mga kilalang adik at tulak sa kanilang barangay.

Nasa 120 na ang napapatay ng mga pulis at vi-gilantes, parang nag-a-a-verage ng lima katao kada araw ang naitutumba.

Ang “TUKHANG” ay pang-ilalim na bahagi ng “Oplan Double Barrel” kung saan ang pang-itaas na target naman ay mga kilalang mga drug lords, kasama ang kanilang protektor na mga pulis, mi-litar, NBI, piskal, huwes o kaya’y mga mayor, congressmen at mga pulitiko.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagbandera ng mga pangalan ng limang PNP general na sangkot sa droga, at nitong huli mga pangalan na link naman sa Chinese Triad.

At marami pang heneral at koronel hanggang PO rank ang ibubulgar sa mga susunod na araw.

Tinukoy ng pangulo na ang “sentro” ng illegal drugs operations ay nangyayari sa loob ng New Bilibid Prisons at may bendisyon ng mga tiwaling law enforcement agencies.

Kung paanong nangyari itong noong panahon ni dating Justice Secretary at ngayo’y Senator Leila de Lima ay isa pa ring palaisipan.

***

Nakatakda namang i-takeover ng PNP-SAF ang Bilibid para tutukan ang sinasabing mga “drug lords” sa loob.
Nagpakitang gilas naman agad ang bagong li-derato ng PDEA at inilunsad ang “Oplan First Blood” para tugisin ang mga pabrika o shipment ng pinagbabawal na gamot.

Tatlong Taiwanese ang inaresto sa P1.7B shabu lab sa Philamlife Subd, Las Piñas at shabu warehouse sa Arsenio Executive Homes, Parañaque na marahil ay pinakamala-king huli sa kasaysayan ng bansa.

Kaya naman, hilong talilong ngayon ang mga gumagamit ng gamot, nagtutulak, mga pulis na pusher at protector, pati mga supplier ng mga drug cartel at mga drug lords.

Nakita niyo naman yung P800M halaga ng shabu na ibinaon sa Claveria, Cagayan. Pero, sa nakikita natin, ang mga inuupakan muna ngayon ay iyung identified sa Chinese-Taiwanese triad na “source” ng mala-sari-sari store na bentahan ng “shabu.”

Wala pa tayong nababalitaang kampanya laban sa Mexican Siniloa Cartel na kumokontrol naman ng pangmayamang “party drugs” gaya ng cocaine, ecstasy, fly high.

Wala rin tayong nababalitaang PNP na nanga-ngatok sa mga “exclusive subdivisions” o kaya’y mga condo para lumabas din ang mga mayayamang adik at pusher.

Puro mga mahihirap na adik at pusher lang ang nakikita sa telebisyon at pahayagan. Kunsabagay, mahirap maghusga agad-agad lalo pa’t 11 araw pa lang sa pwesto ang Duterte administration.

Hindi pa rin naman nag-iinit sa pwesto ang mga bagong hepe ng mga regional, provincial, district, city at municipal PNP, sampu ng kanilang mga precinct commanders.

Natutuwa lang ako at sa panig ng taumbayan, dumadagundong talaga ang lakas ng “DOUBLE BARREL”, “TUKHANG” ng PNP at “FIRST BLOOD” ng PDEA.

TAGS: Oplan Tukhang, Oplan Tukhang

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.