METRO MANILA, Philippines — Sa nakalipas na pitong araw, pumalo sa 128 ang bilang ng mga inatake sa puso, na-stroke, at sinumpong ng hika.
Ito ang ibinahagi ng Department of Health (DOH) base sa mga nakalap na impormasyon mula Disyembre 23 hanggang alas sais ng umaga kahapon, Disyembre 30, sa walong “sentinel hospitals” sa bansa.
Sa bilang, 62, na nasa edad 55 hanggang 74, ang napaulat na nakaranas ng acute coronary syndrome at isa sa kanila ang namatay dahil sa atake sa puso.
BASAHIN: DOH: 496 nasugatan sa mga aksidente sa mga kalsada nitong Kapaskuhan
Nakapagtala naman ng 103 na kaso ng acute stroke na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa na nasa pagitan ng 45 hanggang 64 ang edad.
Sa sinundan na isang linggo, nakapagtala ng isang dosenang kaso ng acute stroke ang DOH.
Samantala, mga sanggol hanggang edad siyam naman ang nakaranas ng bronchial asthma sa nakalipas na isang linggo at ito ay pinaniniwalaang dahil sa usok mula sa mga paputok.
Nagpayo si Health Secretarty Ted Herbosa sa publiko na pangalagaan ng husto ang kanilang puso at baga sa pamamagitan ng regular na ehersisyo, paglimita sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin, at pag-iwas sa mga matatamis, mamantika at maalat na mga pagkain.