Bong Go sinigurong tutukan ang paggamit ng 2025 budget ng PhilHealth
Nangako si Senador Christopher “Bong” Go na patuloy na babantayan ang paggamit ng PhilHealth sa pondo nito para sa taong 2025.
Ayon kay Go, gagawin niya ito upang matiyak na maayos na maipatutupad ang mga programa ng PhilHealth at maibibigay ang benepisyo sa mga miyembro.
Partikular aniya na kanyang tutukan ang pangako ng Philhealth na aayusin ang case rates, dadagdagan ang benefit packages, at bababaan ang premium contributions.
Nais din ng senador na maisama sa mga benepisyo ang dental care, eye care, emergency, outpatient at preventive care, gayundin ang libreng mga gamot, libreng salamin at wheelchair sa mga mahihirap na miyembro.
Nagpahiwatig pa ang namumuno sa Senate health committee na magpapatawag siya ng pagdinig sa Enero upang masiguro na tinutupad na ng Philhealth ang mga ipinangako sa mga naunang pagdinig.
Inalis sa 2025 national budget ang subsidiya ng gobyerno para sa Philhealth dahil sa nadiskubreng sobra-sobrang pondo ng ahensya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.