Hindi na rin lusot ang mga kongresista at mga congressional staff sa drug testing.
Iyan ay kung tuluyang maipatupad sa Mababang Kapulungan ang regular na drug testing, alinsunod na rin sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga.
Ayon kay incoming House Speaker Pantaleon Alvarez, ang suhestiyon ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na isailalim sa drug testing ang mga miyembro ng kamara ay kabilang sa isasaprayoridad sa 17th Congress.
Paliwanag ni Alvarez, suportado niya ang drug testing sa mga taga-kamara para matiyak na drug free ang kanilang institusyon at magbibigay ito ng magandang halimbawa sa mga tanggapan ng gobyerno pati na sa publiko.
Sinabi ni Alvarez na kukunin niya ang consensus ng mga kapwa kongresista kung dapat itong gawing mandatory.
Pagkalipas aniya ng July 25, unang araw ng sesyon; o State of the Nation Address o SONA ni Presidente Duterte, isa-isa niyang kakausapin ang mga kongresista tungkol sa drug testing.
Noon mga nakalipas na kongreso, ipinanukala na rin ang periodic drug testing sa hanay ng mga Mambabatas, partikular noong panahon na na-convict si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson dahil sa drug trafficking sa Hong Kong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.