Bagaman hindi tumama sa kalupaan, nag-iwan ng isang patay, dalawang sugatan at mayroon pang isang pinaghahanap ang bagyong Butchoy na may international name na Nepartak.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kinilala ang nasawi na si John Michael Lunes, 14 anyos at residente ng Karangalan Village sa Cainta, Rizal.
Nalunod umano si Lunes matapos itong maligo sa creek at na-recover ang katawan nito noong umaga ng July 8.
Nasugatan ang 49 anyos na si Rogelio Gordo ng Mamburao, Occidental Mindoro matapos na mabagsakan ng tumumbang puno; habang si Ara Marcia, 11 anyos ng Olongapo City ay tinamaan ng mga bato mula sa gumuhong riprap.
Inulat naman ng NDRRMC na nawawala ang isang Kyle Jaradal, 15 anyos mula sa Barangay Ugong, Valenzuela City matapos malunod habang nangungulekta ng basura sa Tullahan River.
Samantala, umabot sa 981 pamilya o 3,357 katao mula sa Zambales, Bataan, Rizal at Batangas ang binigyan ng ayuda ng NDRRMC dahil sa pananalasa ng Bagyong Butchoy.